Pimple Making List...
"Put---ina naman, o! Kahit kailan, hindi kita kailangan, baket sulpot ka nang sulpot?! Nakakasira ka ng araw. Nakakasira ka ng diskarte. Mako-conscious na naman ako niyan, dahil nandiyan ka na naman, bwiset ka!"
Kung may buhay lang ang "taghiyawat" at nakakapagsalita rin, siguro, sinagot ka na niyan ng, "Gago ka? Pinagpuyatan mo 'ko, tapos, ieetsa-puwera mo lang ako? Okay ka lang?!"
Sino ba'ng gusto ng pimples?
Sa mga sanay nang tubuan nito, normal na lang ang dayalog na, "Ah, okay. Andiyan ka na naman. Favorite mo talaga ang mukha ko! Mawawala ka rin!" na pag nawawala nga, kaagad-agad, may kapalit na naman ito hanggang hindi mo namamalayan, wala ka na palang pimples. Na puwedeng mapaglagyan pa sa mukha mo.
Siguro, kung may mga paa lang ang pimples, palalagyan mo rin ng pinto ang mukha mo para hindi makapasok at pamahayan ng peste.
Kahit kelan ay hindi mo puwedeng sabihing weather-weather lang ang pagtubo ng pimples sa mukha mo. Kung minsan nga, hindi ka naman nagpupuyat, kumbakit paggising mo, andiyan na naman siya.
Na ang katwiran naman ng iba, "Tumutubo 'yan kasi isip ka nang isip, balisa ka, nagwo-worry ka, hindi ka mapakali!"
May mga nagkaka-pimples namang girls pag "meron." 'Yung isang kaibigan ko ngang girl, nabubuwisit, kasi nga, mga anim na pimples ang tutubo sa mukha niya pag "meron" siya.
Sey niya, "Juice ko, sana, kung saan na lang ako dinugo, du'n na lang tumubo ang pimples. Hindi pa kita."
Ako, nu'ng bagets pa ako--walang exaj, ha?--juice ko po, araw-araw, ang lulusog ng mga pimples na tumutubo sa mukha ko. Mapipintog at mabibilog. Na otomatik na 'yan, ipiprik ko talaga siya to death na magiging sugat, tapos, hahayaang mag-heal hanggang sa maging scar na.
Tapos, same procedure pag bumalik uli ang hayup na pimples.
Charo Santos-Conscious talaga kasi ako sa pimples, eh. Lalo na nu'ng araw na kung ano-ano na lang ang kapaniwalaan kong kayang sumugpo sa pimples ko.
Siyempre, kung ano-ano iisipin mo, lalo na't Poorita Mirasol lang kami nu'ng araw (wow, mayaman ka na, Ogie, gano'n?).
Nandiyang para akong gago na mamimitas ng dahon ng bayabas, ilalaga ko siya at 'yung pinakuluang sabaw no'n ang siyang ihihilamos ko.
Everytime ginagawa ko 'yon sa umaga, 'tang*na, feeling ko, parang "tit*ng bagong tule 'yung mukha ko na nilalanggas ko sa sabaw ng dahon ng bayabas.
Na pucha, baka mawala nga ang pimples ko, nangamatis naman ang mukha ko nito. Hahaha!
Pero honest? Kung me nangyari? Hehehe. Meron. Hindi naman nagbubuntis ang pimples, di ba? Pero nanganak siyang lalo, kalokah. So tanggal na sa listahan ko ang dahon ng bayabas.
Ang ginawa ko, dasal na lang ke St. Therese. Kilala n'yo ba si St. Therese? No, 'yung iniisip n'yo, Santo 'yon. Si St. Therese na kilala ko, 'yan 'yung ginagawa ko na lang sa pimples ko nu'ng araw, dahil walang pampagamot--Therese nang Therese.
Kaya nu'ng pumasok na 'ko sa showbiz, sabi ko sa sarili ko, kailangan, bongga na ang fez ko. Although mukha pa rin akong adik sa kapayatan nu'ng mga early 90s, keri lang.
Basta kahit chaka (read: pangit) ang face ko, ang importante, humupa lang ang tsunami ng pimples sa mukha ko.
Kung sino-sinong mga OPM (Oh, Promise Me!) na dermatologists na ang nakipagpambuno sa pimples ko, kung ano-anong gamot ang binili ko mismo sa clinic nila, 'yung iba, nagreseta pa at sa botika ko pa binili, wa pa rin talab.
Minsan nga, naisip ko, sa dami ng resetang nasa akin, ano kaya kung 'yung reseta na lang ang ipahid ko sa mukha ko, magkahimala kaya? Ganyan ako kadesperado noon.
Hanggang sa ma-meet ko si Dra. Vicki Belo na noon ay madalas mag-guest sa morning show kung saan kasama akong naglo-Locomotion. Alam ni Doc Belo, tinatakpan lang ng concealer ang mga bakas ng pimples sa mukha ko at minemeyk-apan.
Kaya nakakatuwa, isang araw, sabi niya sa akin, "You go to my clinic and I will do everything to get rid of that pimple scars!"
"Nako, baka mahal, Doc, hindi ko kaya."
"No, don't pay! Ako'ng bahala!"
Face ko ang kawawa, gano'n?
'Yun eh sa loob-loob ko lang, dahil sobrang gusto ko nang sumuko talaga. Iniisip ko na nga lang, good luck sa 'yo, Doc Belo. Hindi na 'ko masa-shock kung susuko ka rin.
So, the rest is history na. Alam kong hindi pa rin ako maganda, pero ang importante, humupa na ang salot sa mukha ko mula nang mapasakamay ako ng Belo Medical Group.
Ang nakakatuwa pa, ilang beses na 'kong nawalan ng tv show, pero si Doc Belo, walang pakialam kung wala akong show. "It's okay, Ogs. You've been loyal to us naman." Kaya lagi, pag me pagkakataon, pinasasalamatan ko si Dra. Belo at ang kanyang clinic pag may tv show ako. Kasi, alam ko, doon lang ako puwedeng bumawi.
Teka, baka isipin mo, kaya ko sinulat ang blog na ito para lang i-promote si Dra. Belo, ha? Hindi. Noon pa, lagi ko na siyang pinasasalamatan pag may pagkakataon, kasi siya at ang clinic niya ang himalang dumating sa buhay ko, lalo na at napatunayan ko kung paano makipagkaibigan si Doc. Kaya sobrang love ko 'yan.
Pero uulitin ko, ha? Hindi ko ineendorso si Dra. Belo sa iyo. Ikinukuwento ko lang ang history ng pimples ko.
Pero na-realize ko, alam mo. Eto, ha? Hindi naman ako doktor. Isa lang akong nilalang na punumpuno ng karanasan, este, ng pimples nu'ng araw. Bibigyan kita ng tips kung paano maiiwasang magka-pimples.
Alam kong depende pa rin sa type ng skin mo, sa habit o sa routine mo, sa mga kung anik-anik na inilalagay mo sa mukha mo o sa sabong gamit mo kaya ka nagkaka-pimples.
Pero base sa aking "pimple journey," eh ang dami kong na-realize.
Una, pag makinis na ang mukha mo o hindi ka tinutubuan ng pimples, kung ano 'yung routine mo sa mukha mo o sa life mo, 'yun ang i-maintain mo.
'Wag ka nang maging vain. 'Wag mo nang balaking magkutis-artista na gusto mong ma-achieve ang rosy cheeks. Baka mag-react lang ang skin mo sa ipapahid mong astringent o ointment o sa pinaiinom sa 'yong tabletas o capsules.
In short, 'wag kang umarte porke me panggastos ka. Lalo kang gagastos pag hindi mo na-achieve ang pangarap mong rosy cheeks.
Pangalawa, pag tinubuan ng isang pimple ang alinmang parte ng mukha mo, deadmahin mo. Wag mong papansinin. May isip ang pimples. Nang-iinis ang mga gagong 'yan.
Pag 'yung kaisa-isa ay tiniris mo, natural, magre-react 'yan. "Ah, gano'n, tiniris mo 'ko? Puwes, humanda ka, isusumbong kita sa mga kasamahan ko para lalo kang pamugaran ng aming angkan! Bwahahaha!"
Pero pag dinedma mo, mararamdaman ng pimple na 'yan na, "Ba't hindi mo 'ko tiniris? Pa'no ko manganganak nang marami, ayaw mong pisain? Ayaw mo 'kong pansinin?"
Alam n'yo naman ang mga pimples, para siyang multi-level marketing o 'yung tinatawag na "networking." Pag hindi gumana ang "upline," hindi siya makakakuha ng mga "downline."
Pangatlo, pag hindi ka makatiis at kating-kati ka nang tirisin ang unang pimple na tumubo sa mukha mo, hugasan mong maigi ang mga kamay mo bago mo ito tirisin. Tapos, kuha ka ng yelo ('wag 'yung nakadikit sa wall ng freezer, ha?). Idikit mo 'to sa apektadong area of responsibility for how many minutes.
Pang-apat, pag may tumubong pimple sa tungki o tuktok ng ilong mo, nako, please, 'wag na 'wag mong pakikialaman.
Juice ko, pimpolin ka na sa ibang bahagi, 'wag lang sa ilong, dahil sentro ang ilong, kahit anong kinis ng mukha mo, pag meron kang isang bonggang pimple sa tungki ng ilong o pimple scar (ang masaklap nito kung umaalsa ang scar o nagiging keloid), mapapansin pa rin 'yan ng mga fans mo (kung meron, ha?).
Ipagdasal mong sana, next time, sa loob na lang ng ilong tumubo kahit ang sakit.
Panglima, pag sa noo tinubuan ka, baka natutusok ng mga dulo ng bangs mo, kaya i-brush up mo o awatin mo ng headband o ng hairclips.
Pang-anim, 'wag kang conscious na harap ka nang harap sa salamin para silipin kung may pimple kang nag-"guest of honor."
Pag inisip mong baka tinubuan ka na kaya ka tumitingin sa salamin, baka sorpresahin ka ng pimples sa ibang araw, sige ka.
Pangpito, kung nandiyan na 'yan at nataymingan naman na mag-aaplay ka ng trabaho. Baka puwedeng ipasa mo muna ang resume mo na produkto na ng photoshop ang retrato mo. Du'n man lang sa litrato mo, kuminis ang mukha mo.
Pangwalo, kung bago mo nabasa ito eh huli na at marami ka nang pimples, i-sey mo na lang sa mga makakapansin, busy ka kamo at puyat palagi, kaya "bepimpled" ka. Para hindi na masyadong masakit sa damdamin.
Pero come to think of it, panlabas na anyo lang 'yan. Mas importante pa rin ang ugali mo sa iyong kapwa at sa sarili.
Hindi kailanman tinitighiyawat ang pagkatao ng isang tao. Kung hahayaan mong madungisan ang iyong pagkatao, saka mo ituring na taghiyawat 'yon.
Papaapekto ka ba sa pimples kung marami namang nagmamahal sa 'yo resulta ng pagiging isang mabuting tao mo?
Tandaan mo...
Balewala ang pimple kung marami namang natutuwa sa 'yong pipol.
No comments:
Post a Comment